TWO POEMS BY SAM PRUDENTE


Krystal

Ikaw ba
(O akala ko lang?)
Ang nasasalamin kong nakatitig sa akin
Mula sa bukas / sara
Ng pintuang tinted ng café sa mall?

Sa magkahiwalay na mesa
Sumasayaw ang usok pataas
Lampas sa mga ilaw upang magkasama
Sa dilim ng kisame.

Ikaw nga ba
(O ang iyong mga mata?)
Ang nangungusap ng kawalan,
Ng paglusong ng bawat isa sa ating mga katawan.
Mula sa ating mga upuan, nanlalagkit ang mga tingin.

Sabay sa pagbulaga ng oras,
Labas pasok ang ibon sa orasan.
Ang paglabag mo sa kasamang sintahan
Ang tangi kong pakay. 

Pero ako nga ba
(O ang mga kasamahan ko?)
ang inaakit mo?

Sa naiiwang bakas ng kape
Ayaw pa ring tumigil sa pag-ikot ang giniling na barako.
Kailan kaya tayo kapwa magigising?
Kasama mo siya, kasama ko ang barkada.

Bwisit na salamin
Kahit klarong-klaro ito, mapagbiro!
Mahilig maghanap ng kalaro, at baliktad pa
ang mundong isinusumbong nito.
 
 
 

Sa pag-gising natin 
(Para kay Chong)

Pagdating sa dulo
biglang lumiko ang pangangailangan mo
at nagkubli, habang gabing tayo'y magkasama.
Nauunawaan ko ang ibig mo sanang sabihin
(habang inaalmusal natin ang init ng kape't katawan)
sa pagsikat ng araw, wika mo'y:
Hanep, ang lakas talaga ng tama ko

KAGABI!
Dala ng dila't kalasingan
binuksan mo ang iyong kalooban
sabay sa pagmulat ng aking mga mata.
Kahit kinalong kita sa ating pagkawala
at binakuran ng alaala ang gabi ng ating pagsasama
(ika'y tulog, patuloy ang pagkukunwari)
ako ang maiiwan

hubad
sa katotohanan.

Main
Next